Menu Bar

Friday, November 29, 2013

Supremo

Sa taong ito, ipinagdiriwang natin ang ika-isang daan at limampung taon ng kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, ang Ama ng Himagsikang Pilipino. Siya ang nanguna sa pagtatatag ng Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, o mas kilala bilang KKK. Ito ang kauna-unahang kilusan sa Asya-Pasipiko na nag-alsa at lumaban sa mga kolonyalistang Europeo.

Si Bonifacio ay isang anakpawis, isang manggagawa. Totoo sa teoryang pulitikal na ang mga proletaryo ang pinaka-abanteng hanay sa lipunan, siya at ang mga kauring rebolusyonaryo ang nanguna na maglayon na palayain ang sambayanan mula sa mga dayuhang mananakop at makapagtatag ng nagsasariling estado ang Pilipinas. Ito ay taliwas sa adhikain ng mga repormista na maging isang probinsya ng Espanya ang Pilipinas sa maling pag-aakala na magiging pantay at makatao ang turing sa atin ng mga Kastila sakaling mangyari nga ito.
Artistic depiciton of Ka Andres Bonifacio. Illustration by Kenneth Garcia

Ngunit dahil sa laganap at matinding pagsasamantala ng mga kolonyalista, napanday ang isang makabayan at militanteng kaisipan sa mga naaping Pilipino. Pinagbigkis ni Gat Andres Bonifacio, kinilala bilang Supremo, ang taumbayan sa pamamagitan ng lihim na pagpaparami sa kasapian ng Katipunan. Ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng pambansang kamalayan ang Pilipinas. Tinangkilik ng masang Pilipino ang rebolusyon, hanggang sa humantong na nga ito sa lantarang paglaban sa mga dayuhan. Noong Agosto 1896, sabay-sabay na nagpunit ng cedula ang mga rebolusyonaryo, tanda ng paghihimagsik laban sa mga kolonyalista. Inaalala natin ito sa kasaysayan bilang ang Sigaw sa Pugadlawin.

Noong panahon ni Supremo, ang nagtulak sa mga Pilipino upang magrebolusyon ay ang talamak na pagkaganid at pang-aabuso ng mga dayuhang panginoon: Laganap ang pangangamkam ng lupa at iba pang ari-arian, ang panghahalay at pambabastos sa kababaihan, at pang-aapi sa nakararaming masang Pilipino. Bukod pa rito, kinukubabawan at dinidiktahan ng mga kolonyalista ang pulitika, ekonomiya, edukasyon, kultura at iba pang mga aspeto ng pambansang pamumuhay. Ang pinakamasakit ay ang katotohanang noon pa man ay mayroon nang mga Pilipinong taksil na kayang apakan at yurakan ang karapatan at kapakanan ng kanilang mga kababayan para lamang makasalo sa karangyaan at kariwasaang tinatamasa ng mga naghaharing-uri.

Ngayon, isandaan at labimpitong taon makalipas ang Sigaw sa Pugadlawin, nananatili pa rin ang pagsasamantala at kabulukan sa ating lipunan. Nagpapatuloy ang pandarambong ng burukrasya sa kaban ng bayan at ang paghahari ng mga local at dayuhang kapitalista sa merkadong Pilipino; sa kabilang banda, patuloy na nayuyurakan ang karapatan ng mga ordinaryong mamayan, wala pa ring tunay na industriyalisasyon, at walang tunay na reporma sa lupa para sa magsasaka.

Maaring maraming taon na ang lumipas, ngunit hindi pa rin para sa tunay na katarungan at kalayaan. Hanggang ngayon, umaalingawngaw ang Sigaw sa Pugadlawin. Dan Kevin Roque

Saturday, November 23, 2013

Masaker

Apat na taon na ang nakalipas mula nang maganap ang isa sa pinaka-madugong kaganapan sa kasaysayan ng pamamahayag sa Pilipinas – ang Maguidanao Massacre sa Maguindanao. Nasa limampu’t walong tao ang naging biktima ng pagpatay, kabilang rito ang tatlumpu’t dalawang mga mamamahayag na nasa linya ng trabaho at dalawang babaeng buntis.

Artistic depiction of the Maguindanao Massacre. Illustration by Kenneth Garcia

Hindi nag-iisa ang Maguidanao Massacre sa madudugong pangyayari sa bansa. Sa buwang ito rin ay inaalala natin ang ika-siyam na taon ng Hacienda Luisita Massacre sa Tarlac. Ang Hacienda Luisita ay isang korporasyon, at isa sa mga nagmamay-ari nito ay ang ating Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III at ang kanyang pamilya. Tinawag nga ng College Editors Guild of the Philippines-NCR (CEGP-NCR) ang Nobyembre bilang buwan ng mga masaker s aisang facebook post.

Bilang isang demokratikong bansa, nasasagkaan ang karapatan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pasismo ng gobyerno – karapatan sa lupa, karapatan sa malayang pamamahayag, karapatan sa buhay. Mas nakakatakot ang ganitong sitwasyon ng bansa kaysa anupamang Halloween costume.

Apat na taon na ang Maguidanao Massacre. Magagaya ba ito sa Hacienda Luisita Massacre na aabutin na ng isang dekada? O sa napakarami pang mga paglabag sa karapatang pantao noong martial law na hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na tunguhin at resolusyon ang kaso?


Kami bilang mga mamamahayag pang-kampus ay patuloy na inaalala at tinatanganan ang ganitong mga isyu bago pa man ito tuluyang mabaon sa limot at mawala sa kamalayan ng sambayanang Pilipino.

Ang kultura ng pagsasawalang-bahala ay laganap sa ating bansa. Kaya naman patuloy na dumarami ang bilang ng mga biktima ng extra-judicial killings at enforced disappearances. Ayon sa Karapatan, isang Human Rights group, may naitalang 158 na kaso ng extrajudicial killings at 18 na enforced disappearances sa loob ng panahon ng panunugkulan ni Pangulong Aquino (July 2010 – August 2013).[1] Ito ay isang nakakaalarmang katotohanan na dapat agarang matugunan ng estado. Ngunit ano ang nagiging sagot ng estado at ng gobyerno sa ganitong kalagayan? Ang mabagal at dekadenteng proseso ng batas.

Marahil, hindi natin ito alintana sa araw-araw nating pamumuhay: mula sa paggising sa isang ligtas na tahanan hanggang pagpasok sa eskuwelahan at pag-uwi. Ngunit ang mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao na ito ay hindi simpleng bilang o numero lamang. Sila ay mga tao – ama, ina, anak, kapatid. May mga pamilya silang naiwan na hanggang ngayon ay naghahanap ng katarungan.

Ang mga pamilya ng mga biktima ay maaaring maipinta bilang mga radikal, ngunit masasabi bang kasalanan nila na sila ay nawalan ng mahal sa buhay? Walang nagnanais mawalan ng asawa, magulang, anak, kapatid, kaibigan, kasama. Ang tunay na salarin sa pagkakataong ito ay ang kultura ng pagsasawalang-bahala, ang kulturang tila nanghihikayat pa sa paglabag sa karapatan ng mga mamamayan kaysa sa pagtatanggol nito.

Isang hamon ang iniiwan naming mga mamamahayag ng kampus, hindi lamang sa pamahalaan kundi maging sa mainstream media at sa taumbayan: itigil ang kultura ng pagsasawalang-bahala! VP 

[1] Karapatan Monitor 2013 Issue 2, Table 1

Friday, November 22, 2013

Sa Liwanag

Sa Liwanag
Abril Layad Ayroso

Ilang toneladang lupa nga ba ang magbabaon
     sa mga pahina ng pahayagan?
Ilang buhay nga ba ang kanilang kayang utasin,
     at mawawala ng hindi
     napapansin?
Saksi ang buwan sa madugong paghalay
     ng mga gahaman sa dalagang karapatan.
Inaakala yata nila na ang karuwaga’y
     humihigit sa ating paninindigan.
Oo, lumilipas ang panahon.
Oo, madilim ang kalangitan; subalit tayo’y
    hindi titigil, tayo’y
    hindi papipigil
sa pagsulat at pagmulat ng mamamayan
     sa liwanag ng buwan, at
     sa liwanag ng sulo.

Wednesday, November 20, 2013

Piggy Bank

Ginulantang tayong lahat ng pinakamalaking isyu na sumampal sa lipunang Pilipino ngayong  taon, ang isyu ng Pork Barrel System at kung paano ito kinukurakot ng mga pulitiko. Napakaraming Pilipino ang nag-react sa isyung ito, ngunit ano nga ba ang Pork Barrel System? Para saan ba at ano nga ba ang mga silbi nito?

PORK BARREL by Jezzamine Garcia


Ang Gobyerno ng Pilipinas ay nahahati sa tatlo: Ehekutibo na pinamumunuan ng Pangulo, Lehislatura na binubuo ng Senate of the Philippines at House of Representatives, mas kilala sila sa tawag na mga Senador at Congressman, at ang huli ay ang Hudikatura na binubuo naman ng mga hukom. Bawat departamento ay may kanya-kanyang trabaho, ngunit dahil ang ating topic ay tungkol sa Pork Barrel, ang ating tatalakayin ay ang mga espisipikong kapangyarihan ng Lehislatibo at Ehekutibo na syang may malaking kinalaman sa pagbuo at pag-gastos ng Pork Barrel.


Taon taon ang ating Pangulo ay nagpapasa ng National Budget o General Appropriations Act (GAA), na s’yang nagtatalaga nang perang dapat gastusin ng gobyerno ng Pilipinas para sa naturang taon. Ang GAA ay sinusuri ng Lehislatura. Ang pagsusuri ay ginagawa upang malaman kung tama ang pag-a-allocate ng pangulo ng pera mula sa kaban ng bayan. Pagkayari ng pagsusuri ay ilalabas ang mga pondong ito sa pamamagitan ng Lump-sum appropriations, (paglalabas ng pondo ng hindi naka-itemize o nakatakda kung saan gagamitin) at ibibigay sa iba’t-ibang departamento. Ang mga departamento naman ang magde-desisyon kung paano nila ito gagastusin, na syang nagbibigay ng katangian disretionary sa ‘pork’. Ang Ehekutibo at Lehislatura ang may pinakamalalaking pork barrel na natatanggap taun-taon.

Ang isa sa pinag-uusapan ngayon ay ang Congressional pork barrel o ang Priority Development Assistance Fund (PDAF). Bawat senador ay nakakatanggap ng Php200 Million para sa kanyang pork barrel at Php70 Million naman para sa mga kinatawan. Ang milyon-milyong pisong ito ay mga perang dapat na gastusin sa kanilang constituencies o mga nasasakupan. Ngunit dahil sa anyo ng ‘pork’, ito ay madaling napapaikot at nananakaw. Bilyung-bilyon piso ang nawawala sa kaban ng bayan kada taon dahil naibubulsa lang ng mga kongresista. Hindi pa ‘yan ang pinakamalaking rebelasyon na dapat nating malaman. Ang PDAF ay walang sinabi sa Presidential Pork Barrel.

Barya lamang ito kung tutuusin. Kaya kung ikaw ay galit sa mga senador at congressmen  baka mas lalong uminit ang ulo mo pag nalaman mo na ang executive pork ay umaabot ng Php500 billion hanggang Php1.3 trillion. Ang ‘pork’ na ito ay dapat ginagamit sa mga bagay na gustong pagtuunang pansin ng Pangulo, pero nakapanlulumong isipin na ang pondong ito ay naitatago sa mata ng publiko. Halos imposibleng i-audit ang pondong ito sapagkat karamihan dito ay nakapaloob sa pondo ng mga departamento. Kakatwa na mayroong pondo militar na nakapaloob sa budget para sa edukasyon at kalusugan na naitatago sa pamamagitan ng maligoy na pagpapangalan.

Sa disenyo, mapapansin na ang pork barrel ay bukas sa korapsyon at medaling maabuso ng mga pulitikong nais magpayaman. Dahil dito, kami sa Viewpoint ay naniniwala na oras na para alisin ang dekadenteng sistemang ito sa bansa. VP

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...