Sa
taong ito, ipinagdiriwang natin ang ika-isang daan at limampung taon ng
kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, ang Ama ng Himagsikang Pilipino. Siya ang
nanguna sa pagtatatag ng Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga
Anak ng Bayan, o mas kilala bilang KKK. Ito ang kauna-unahang kilusan sa
Asya-Pasipiko na nag-alsa at lumaban sa mga kolonyalistang Europeo.
Si
Bonifacio ay isang anakpawis, isang manggagawa. Totoo sa teoryang pulitikal na
ang mga proletaryo ang pinaka-abanteng hanay sa lipunan, siya at ang mga
kauring rebolusyonaryo ang nanguna na maglayon na palayain ang sambayanan mula
sa mga dayuhang mananakop at makapagtatag ng nagsasariling estado ang
Pilipinas. Ito ay taliwas sa adhikain ng mga repormista na maging isang
probinsya ng Espanya ang Pilipinas sa maling pag-aakala na magiging pantay at
makatao ang turing sa atin ng mga Kastila sakaling mangyari nga ito.
Artistic depiciton of Ka Andres Bonifacio. Illustration by Kenneth Garcia |
Ngunit
dahil sa laganap at matinding pagsasamantala ng mga kolonyalista, napanday ang
isang makabayan at militanteng kaisipan sa mga naaping Pilipino. Pinagbigkis ni
Gat Andres Bonifacio, kinilala bilang Supremo, ang taumbayan sa pamamagitan ng
lihim na pagpaparami sa kasapian ng Katipunan. Ito ang unang pagkakataon na
nagkaroon ng pambansang kamalayan ang Pilipinas. Tinangkilik ng masang Pilipino
ang rebolusyon, hanggang sa humantong na nga ito sa lantarang paglaban sa mga
dayuhan. Noong Agosto 1896, sabay-sabay na nagpunit ng cedula ang mga rebolusyonaryo, tanda ng paghihimagsik laban sa mga
kolonyalista. Inaalala natin ito sa kasaysayan bilang ang Sigaw sa Pugadlawin.
Noong panahon ni Supremo, ang
nagtulak sa mga Pilipino upang magrebolusyon ay ang talamak na pagkaganid at
pang-aabuso ng mga dayuhang panginoon: Laganap ang pangangamkam ng lupa at iba
pang ari-arian, ang panghahalay at pambabastos sa kababaihan, at pang-aapi sa
nakararaming masang Pilipino. Bukod pa rito, kinukubabawan at dinidiktahan ng
mga kolonyalista ang pulitika, ekonomiya, edukasyon, kultura at iba pang mga
aspeto ng pambansang pamumuhay. Ang pinakamasakit ay ang katotohanang noon pa
man ay mayroon nang mga Pilipinong taksil na kayang apakan at yurakan ang
karapatan at kapakanan ng kanilang mga kababayan para lamang makasalo sa
karangyaan at kariwasaang tinatamasa ng mga naghaharing-uri.
Ngayon,
isandaan at labimpitong taon makalipas ang Sigaw sa Pugadlawin, nananatili pa
rin ang pagsasamantala at kabulukan sa ating lipunan. Nagpapatuloy ang
pandarambong ng burukrasya sa kaban ng bayan at ang paghahari ng mga local at
dayuhang kapitalista sa merkadong Pilipino; sa kabilang banda, patuloy na
nayuyurakan ang karapatan ng mga ordinaryong mamayan, wala pa ring tunay na
industriyalisasyon, at walang tunay na reporma sa lupa para sa magsasaka.
Maaring maraming taon na ang
lumipas, ngunit hindi pa rin para sa tunay na katarungan at
kalayaan. Hanggang ngayon, umaalingawngaw ang Sigaw sa Pugadlawin. Dan
Kevin Roque
Ma-impormasyon at Puno ng aral ang sinulat mo! Sakit.info
ReplyDelete