Menu Bar

Saturday, November 23, 2013

Masaker

Apat na taon na ang nakalipas mula nang maganap ang isa sa pinaka-madugong kaganapan sa kasaysayan ng pamamahayag sa Pilipinas – ang Maguidanao Massacre sa Maguindanao. Nasa limampu’t walong tao ang naging biktima ng pagpatay, kabilang rito ang tatlumpu’t dalawang mga mamamahayag na nasa linya ng trabaho at dalawang babaeng buntis.

Artistic depiction of the Maguindanao Massacre. Illustration by Kenneth Garcia

Hindi nag-iisa ang Maguidanao Massacre sa madudugong pangyayari sa bansa. Sa buwang ito rin ay inaalala natin ang ika-siyam na taon ng Hacienda Luisita Massacre sa Tarlac. Ang Hacienda Luisita ay isang korporasyon, at isa sa mga nagmamay-ari nito ay ang ating Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III at ang kanyang pamilya. Tinawag nga ng College Editors Guild of the Philippines-NCR (CEGP-NCR) ang Nobyembre bilang buwan ng mga masaker s aisang facebook post.

Bilang isang demokratikong bansa, nasasagkaan ang karapatan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pasismo ng gobyerno – karapatan sa lupa, karapatan sa malayang pamamahayag, karapatan sa buhay. Mas nakakatakot ang ganitong sitwasyon ng bansa kaysa anupamang Halloween costume.

Apat na taon na ang Maguidanao Massacre. Magagaya ba ito sa Hacienda Luisita Massacre na aabutin na ng isang dekada? O sa napakarami pang mga paglabag sa karapatang pantao noong martial law na hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na tunguhin at resolusyon ang kaso?


Kami bilang mga mamamahayag pang-kampus ay patuloy na inaalala at tinatanganan ang ganitong mga isyu bago pa man ito tuluyang mabaon sa limot at mawala sa kamalayan ng sambayanang Pilipino.

Ang kultura ng pagsasawalang-bahala ay laganap sa ating bansa. Kaya naman patuloy na dumarami ang bilang ng mga biktima ng extra-judicial killings at enforced disappearances. Ayon sa Karapatan, isang Human Rights group, may naitalang 158 na kaso ng extrajudicial killings at 18 na enforced disappearances sa loob ng panahon ng panunugkulan ni Pangulong Aquino (July 2010 – August 2013).[1] Ito ay isang nakakaalarmang katotohanan na dapat agarang matugunan ng estado. Ngunit ano ang nagiging sagot ng estado at ng gobyerno sa ganitong kalagayan? Ang mabagal at dekadenteng proseso ng batas.

Marahil, hindi natin ito alintana sa araw-araw nating pamumuhay: mula sa paggising sa isang ligtas na tahanan hanggang pagpasok sa eskuwelahan at pag-uwi. Ngunit ang mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao na ito ay hindi simpleng bilang o numero lamang. Sila ay mga tao – ama, ina, anak, kapatid. May mga pamilya silang naiwan na hanggang ngayon ay naghahanap ng katarungan.

Ang mga pamilya ng mga biktima ay maaaring maipinta bilang mga radikal, ngunit masasabi bang kasalanan nila na sila ay nawalan ng mahal sa buhay? Walang nagnanais mawalan ng asawa, magulang, anak, kapatid, kaibigan, kasama. Ang tunay na salarin sa pagkakataong ito ay ang kultura ng pagsasawalang-bahala, ang kulturang tila nanghihikayat pa sa paglabag sa karapatan ng mga mamamayan kaysa sa pagtatanggol nito.

Isang hamon ang iniiwan naming mga mamamahayag ng kampus, hindi lamang sa pamahalaan kundi maging sa mainstream media at sa taumbayan: itigil ang kultura ng pagsasawalang-bahala! VP 

[1] Karapatan Monitor 2013 Issue 2, Table 1

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...