Menu Bar

Saturday, August 31, 2013

Mula sa Putik

Ayon sa isang creation myth, o alamat, ang tao ay nagmula sa putik na hinulma ng mga kamay ni Bathala, iniluto sa hurno, at binigyang buhay ng Kaniyang hininga. Ayon din rito, tayong mga Pilipino ang produkto ng tamang pagkakaluto.

Artistic interpretation of Mula sa Putik
Illustration by Jezzamine Garcia
Ayon sa isang creation myth, o alamat, ang tao ay nagmula sa putik na hinulma ng mga kamay ni Bathala, iniluto sa hurno, at binigyang buhay ng Kaniyang hininga. Ayon din rito, tayong mga Pilipino ang produkto ng tamang pagkakaluto.


Nitong nakaraang ika-16 hanggang ika-17 ng Agosto ay idinaos ang taunang ILAW Camp 4.0 (Inspire to Lead, Aspire to Win) ay iniluwal ang bagong lupon ng mga lider-kabataan sa ating Pamantasan at sila ay kinilala sa pangalang “Batch Putik”.


Campers after one activity that required them to roll on mud.
(Photo Credits to Abril Layad Ayroso)

Ang ILAW Camp ay isang proyekto ng CSDL na pinangasiwaan ng Pilipinas Natin katuwang ang AUSSG at ilan pang mga volunteer. Layunin nitong hubugin ang mga mag-aaral at ihanda ang bagong henerasyon ng mga lider-estudyante sa mga pagsubok na ibabato ng buhay. Itinuturing na ang ILAW ay ang bautismo ng apoy sa larangan ng pamumuno sa Araullo. Ilan sa mga lider na nagmula sa programang ito ay ang kasalukuyang Pangulo ng AUSSG na si G. William Villegas at ang Punong Patnugot ng ViewPoint na si G. Dan Kevin Roque.

Ilan sa mga aral ng ILAW ay nais naming ibahagi sa kapwa namin mag-aaral. Pangunahin na rito ang kultura ng pag-ibig at pagtanggap. Ang sabi sa ilang pag-aaral, ang isip raw ng tao ay likas na nakakiling sa negatibong mga bagay, at sa totoo lang, mas madali nga namang humanap ng kapintasan. Ngunit may nararating nga ba ang ganitong kaisipan? Bakit hindi sa halip na mamintas, tayo ay tumanggap? Sa halip na mamroblema, tayo ay magbigay-solusyon?

Ano ba talaga ang tatak ng isang mabisang pinuno? Nasusukat ba ito ng galing sa pagsasalita? Nakakatulong ba dito ang pagiging maganda o gwapo? May idadagdag ba ang talino sa bisa ng isang pinuno?

Ang mga nabanggit na katangian sa naunang talata, maganda man sa teorya ay walang gaanong kinalaman sa pamumuno. Pinakamahalaga sa mga pinuno ay hindi ang mukha, utak o boses, kundi ang puso.  Ang puso ng isang pinuno ay hindi kayang kalimutan ang kapwa nya estudyante. Ang bukas na puso ng isang pinuno ay kayang tanggapin ang sarili at ang kanyang kapwa, ano man ang mali sa kanyang mukha, utak o boses. Ang bukas na puso ay kayang iwaksi ang masamang nakasanayan.

Noon ngang nakaraang ika-6 ng Agosto, sa ginanap  na rekognisyon ng mga RSO, ay hinamon tayo ng Pangulo ng AUSSG na si G. Villegas na sa halip na tanungin natin kung ano ang magagawa ng ating paaralan para sa atin, itanong natin kung ano ang magagawa natin para sa ating Pamantasan.

May kasabihan nga: ad astra per aspera. Mula sa putik patungo sa mga tala. Ang mga negatibong nakagawian natin ay nagsisilbing putik na bahid sa ating pamumuno at nagkukubli sa ating tunay na kinang. Tayo na at magpanibagong-bihis. Nawa, tayo ang magsilbing mga ilaw para sa mga taong nakapaligid sa atin.

Malayo pa ang ating lakbayin. Mahirap ang mga landas na ating tatahakin. Mahina tayo. Maliit. Ngunit kung ating bubuksan an gating puso at sabay-sabay na kikilos, may pag-asa pang ating maibangon, hindi lang ang ating paaralan, kundi maging an gating Bayan mula sa putik nitong kinasasadlakan. Dan Kevin Roque

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...