Menu Bar

Sunday, August 5, 2012

Leksyon ni Maestro | Impluwensya ng Simbahan


Damaso, Carlos Celdran, Kulo Exhibit, Mideo Cruz, Pajero, PCSO Endowment Fund, Same Sex Marriage, at ngayon RH Bill. Sigurado ako na pamilyar kayo sa mga nabanggit ko sa itaas. Sa mga nagdaang Buwan ay sadyang laman ng social networking sites at mainit na pinag uusapan sa mga forums ang mga bagay-bagay na may kaugnayan sa kanilang lahat. Ngunit wala pa ding tatalo sa tradisyunal na pamamaraan ng pag atake gamit ang pulpito – ng Simabahang Katoliko Romano.

Predominantly Catholic ang ating bansa, isa sa tanging Dalawang bansa kasama ang East Timor sa Asya na maituturing na may mayoryang bilang ng katoliko. Kaya naman masyadong mahigpit at mainit ang mga usapin na bumabangga sa moog ng pader ng impluwensya ng tanang kaparian sa ating bansa. Simulan natin ang pag babalik tanaw sa mga nagdaang isyu na kinasangkutan ng “ating” simbahan.


 Si Damaso at si Carlos
Maaring nagtaka ka bakit biglang may ibinalitang ikinulong dahil lamang tumayo at may hawak na placard na may nakasulat na Damaso sa misa sa Manila Cathedral? Ang aking tinutukoy ay ang Sikat na tourist guide at social historian na si Carlos Celdran. Kilalang tagasuporta ng Reproductive Health Bill si Celdran at bahagi ng kanyang kampanya ay ang gisingin at ipakita sa pamunuan ng simbahang katoliko ang kanyang pinaniniwalaan. Ngunit hindi umubra ang kanyang pagtindig habang nag hohomiliya with matching early-20th century costume pa at agarang ineskortan palabas ng katedral. Tsk tsk tsk naghimas ng malamig na rehas ang pobre.


Ang kumukulong Sining ni Mideo
Wala na sigurong sasakit pa kung itatakwil ka ng iyong pinagmulan...Ano kaya ang naramdaman ni Mideo Cruz, isang alagad ng sining at alumni ng Pamantasan ng Santo Tomas na kilalang tanging Royal and Pontifical Catholic University sa Asya; matapos siyang kondenahin sa isinagawang Kulo exhibit sa Cultural Center of the Philippines noong 2011. Alamat talaga ang interpretasyon ni Cruz ng salitang Poletismo, nag paskil ba naman ng mga imaheng sagrado sa simbahang katoliko at tinambalan pa ng reproductive organs  na may iba’t ibang hugis at anyo. Isama pa ang rendisyon niya ng krusipisyo na may ibang mensahe gusting ipahatid. Ang ending, ipinasara ang exhibit sa CCP at persona non grata na ngayon si Cruz sa UST. Sana nakuha na niya ang transcript niya, kung hindi malas lang! hahaha


Ang Pajero ni Juan
Isang eskandalo ng mapag alaman na humingi pala ng sasakyan at take note nag request pa ng brand – Pajero! ang isang Obispo ng simbahang katoliko sa katauhan ni Juan de Dios Pueblos mula sa dating panggulo na si Gloria Arroyo. Ayon sa ulat ay mula sa endowment fund pala ng Philippine Charity Sweepstakes Office ang nasabing pondo na pinanggalingan ng pambili ng nasabing sasakyan. Agaran naman isinauli ng nabukong Obispo ang sasakyan at sinabing ito’y donasyon ng PCSO para gawing service vehicle ng diyosesis sa pagsasagawa ng mga apostolate nito sa Butuan. Lumabas din sa pag iimbestiga ng mga tauhan ni PNoy na hindi lamang pala si Bp. Pueblos ang nakinabang at may ilan pang matataas na tao sa loob ng simbahan. Manalangin na lamang tayo na hindi porke’t malapit ang kasalukuyang pangulo sa simbahang katoliko ay hindi mabibigyan ng karampatang paglutas ang nabanggit na iregularidad sa ating sistema.


Ang Rainbow sa Metropolitan Community Church
Naging napaka kontrobersyal ng Metropolitan Community Church of Quezon City sa pangunguna n Rev. Ceejay Agbayani. Kinontra kasi nila ang millennium-old teachings ng Roman Catholic Church ng magsagawa sila ng same sex marriage rites sa Quezon City at sa lungsod ng Baguio noong 2011. Samahan pa ng kanilang lubusang pagsuporta sa LGBT community sa buong Pilipinas. Sumikat ng husto ang simbahang ito dahil sa liberal nilang paniniwala na Tanggap ka kung sino ka, ligtas ka kung ano ka! Hindi lang matanggap ng simbahang katoliko na may umusbong bigla na relihiyon na hahamon sa kanilang doktrina. Makulay at Masaya ang paniniwala ng MCC ayon kay Rev. Agbayani, nagpahayag din siya ng pag hamon sa turo ng katoliko na naka saad daw sa bibliya ang Homosexuality. Hanggang sa ngayon ay nananatiling tikom ang bibig ng mga pari at Obispo sa usaping ito.


Agosto Siyete!
Ngayong paparating na ika-7 ng Agosto ang nakatakdang araw sa paghatol ng kongreso sa usapin ng Reproductive Health sa Pilipinas. Tuwirang ipinahayag ng mga PRO na mayroon silang isang daan at apat napu’t tatlong kinatawan na boboto pabor dito. Hinamon naman ng mga ANTI sa pangunguna ng Simabahng Katoliko ang nasabing pahayag at nag daos pa ng malawakang prayer rally na tinawag nilang Power Prayer Rally to Junk RH Bill. Napaka dami ng diyalogo at pag uusap ang isinagawa para linawin ang nasabing panukala, ngunit masyadong mahigpit ang paghawak ng simbahan sa kanilang pinaniniwalaan. Labing pitong (17) taon ng naka binbin sa kamara ang pag usad ng RH Bill. Abangan natin sa darating na Martes ang hatol ng batas kung maipapatupad ba o hindi ang kontrobersyal na panukala.

Sa mga inihain kong isyu ay sadyang makapangyarihan ang impluwensyang ipinapakita ng simbahang katoliko. Ngunit dapat ay hindi rin maalis sa ating isipan ang hangganan ng mga lingkod sa likod nito. Sila’y mga tao din at may kakayahang magkasala at gumawa ng lihis ng itinuturong kabanalan ng bibliya. Subaybayan natin kung hanggang saan tatagos at dadaloy ang kanilang taimtim na impluwensya gamit ang panalangin at simpleng paraan ng pagtayo sa altar sa likod ng pulpito. #

2 comments:

  1. Hay, kailan kaya magbabago ang pananaw ng Catholic Church? Paano tayo uusad?

    ReplyDelete
  2. this article rocks :DD

    ReplyDelete

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...