Menu Bar

Showing posts with label Filipino. Show all posts
Showing posts with label Filipino. Show all posts

Friday, November 29, 2013

Supremo

Sa taong ito, ipinagdiriwang natin ang ika-isang daan at limampung taon ng kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, ang Ama ng Himagsikang Pilipino. Siya ang nanguna sa pagtatatag ng Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, o mas kilala bilang KKK. Ito ang kauna-unahang kilusan sa Asya-Pasipiko na nag-alsa at lumaban sa mga kolonyalistang Europeo.

Si Bonifacio ay isang anakpawis, isang manggagawa. Totoo sa teoryang pulitikal na ang mga proletaryo ang pinaka-abanteng hanay sa lipunan, siya at ang mga kauring rebolusyonaryo ang nanguna na maglayon na palayain ang sambayanan mula sa mga dayuhang mananakop at makapagtatag ng nagsasariling estado ang Pilipinas. Ito ay taliwas sa adhikain ng mga repormista na maging isang probinsya ng Espanya ang Pilipinas sa maling pag-aakala na magiging pantay at makatao ang turing sa atin ng mga Kastila sakaling mangyari nga ito.
Artistic depiciton of Ka Andres Bonifacio. Illustration by Kenneth Garcia

Ngunit dahil sa laganap at matinding pagsasamantala ng mga kolonyalista, napanday ang isang makabayan at militanteng kaisipan sa mga naaping Pilipino. Pinagbigkis ni Gat Andres Bonifacio, kinilala bilang Supremo, ang taumbayan sa pamamagitan ng lihim na pagpaparami sa kasapian ng Katipunan. Ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng pambansang kamalayan ang Pilipinas. Tinangkilik ng masang Pilipino ang rebolusyon, hanggang sa humantong na nga ito sa lantarang paglaban sa mga dayuhan. Noong Agosto 1896, sabay-sabay na nagpunit ng cedula ang mga rebolusyonaryo, tanda ng paghihimagsik laban sa mga kolonyalista. Inaalala natin ito sa kasaysayan bilang ang Sigaw sa Pugadlawin.

Noong panahon ni Supremo, ang nagtulak sa mga Pilipino upang magrebolusyon ay ang talamak na pagkaganid at pang-aabuso ng mga dayuhang panginoon: Laganap ang pangangamkam ng lupa at iba pang ari-arian, ang panghahalay at pambabastos sa kababaihan, at pang-aapi sa nakararaming masang Pilipino. Bukod pa rito, kinukubabawan at dinidiktahan ng mga kolonyalista ang pulitika, ekonomiya, edukasyon, kultura at iba pang mga aspeto ng pambansang pamumuhay. Ang pinakamasakit ay ang katotohanang noon pa man ay mayroon nang mga Pilipinong taksil na kayang apakan at yurakan ang karapatan at kapakanan ng kanilang mga kababayan para lamang makasalo sa karangyaan at kariwasaang tinatamasa ng mga naghaharing-uri.

Ngayon, isandaan at labimpitong taon makalipas ang Sigaw sa Pugadlawin, nananatili pa rin ang pagsasamantala at kabulukan sa ating lipunan. Nagpapatuloy ang pandarambong ng burukrasya sa kaban ng bayan at ang paghahari ng mga local at dayuhang kapitalista sa merkadong Pilipino; sa kabilang banda, patuloy na nayuyurakan ang karapatan ng mga ordinaryong mamayan, wala pa ring tunay na industriyalisasyon, at walang tunay na reporma sa lupa para sa magsasaka.

Maaring maraming taon na ang lumipas, ngunit hindi pa rin para sa tunay na katarungan at kalayaan. Hanggang ngayon, umaalingawngaw ang Sigaw sa Pugadlawin. Dan Kevin Roque

Friday, November 22, 2013

Sa Liwanag

Sa Liwanag
Abril Layad Ayroso

Ilang toneladang lupa nga ba ang magbabaon
     sa mga pahina ng pahayagan?
Ilang buhay nga ba ang kanilang kayang utasin,
     at mawawala ng hindi
     napapansin?
Saksi ang buwan sa madugong paghalay
     ng mga gahaman sa dalagang karapatan.
Inaakala yata nila na ang karuwaga’y
     humihigit sa ating paninindigan.
Oo, lumilipas ang panahon.
Oo, madilim ang kalangitan; subalit tayo’y
    hindi titigil, tayo’y
    hindi papipigil
sa pagsulat at pagmulat ng mamamayan
     sa liwanag ng buwan, at
     sa liwanag ng sulo.

Monday, August 12, 2013

Lasapin Ang Buhay

Lasapin Ang Buhay
Abril Layad Ayroso

Hinainan kita ng pag-ibig
Ika'y naalatan,
Ako'y tinalikuran.
Luha lamang ang iyong nalasahan.

Naghain ako ng rebolusyon
Ako'y hindi pinaniwalaan,
Lasa daw ay walang katuturan
Pagkat dugo lamang ang nagisnan.

Ipaghain ako ng kinabukasan
Ng aking mga magulang.
Ito'y dapat maalat, ang sabi
Pinatakan ng pawis ng pagpupursigi.

Minsa'y inisip kong magbigay
 Ng paghihiganti
Kanya ang pait ng katotothanan,
Akin ang tamis ng kasalanan.

Nais kong matikman, at ipatikim
Lahat ng mainam ng buhay
Hindi ito tungkol sa tama't mali
Ang mahalaga ay ang paglasap sa kinain.

Abril Layad Ayroso is a sophomore Bachelor of Arts major in English student in Araullo University-PHINMA and a staff writer of Viewpoint.

Thursday, August 8, 2013

Isang Hiling






Isang Hiling
Jhonelle Joy Ulidan

Gusto kong maging Malaya;
Mailabas ang aking  pakpak at walang makikialam;
Lilibutin ang buong mundo at ibabalik ang sarili sa dati;
Tatanggalin ang mga kalungkutan at tutuyuin ang luha sa pisngi.

At kapag dumating ang oras na kailangan ko nang umalis;
Gusto kong pumunta sa lugar na walang pipigil sa pagiging tunay na ako;
Sa lugar na magagawa ko ang mga bagay sa sarili kong paraan;
Na walang katulong na ibang tao.
At kapag ako ay nagsalita;
Sana isa lang ang nais kong gawin ninyo;
Ang makinig sa panawagan ko.

Kung sana madali lang ang lahat;
Kung sana madaling makawala;
Sa hawlang aking kinalalagyan;
Upang makami t ang pansariling kalayaan;
Na hindi mapasakin  dahil sa mga hadlang.

Ngunit sa ngayon, kailangan ng ibayong pagtitiis ;
Pagkakaroon ng lakas ng loob at pag-asa;
Para makuha ang inaasam na isang hiling;
Na magdudulot sa akin ng kakaibang ligaya.

Jhonelle Joy Ulidan is a  freshman Bachelor in BS Accountancy student in Araullo University-PHINMA and a staff writer of Viewpoint.

Wednesday, August 7, 2013

"Para Sa Aking Ina"

"Para Sa Aking Ina"
Mary Joyce Jopson

O aking inang siyang ilaw ng tahanan
Buong pamilya'y sa iyo humuhugot ng lakas
Napupunan mo ang bawat pagkukulang
Pagmamahal mo'y hinding hindi pagdududahan

Hindi ko maipinta ang mundong wala ka
Tiyak ako'y mangungulila ng lubusan
Kaya't bawat araw ay ipinagpapasalamat namin sa Panginoon
Na ika'y narito sa aming piling

Patawarin mo kaming mga anak mo
Kung minsa'y sukab at palasagot
Hindi man namin tuwirang masasabi't
Mahal na mahal ka namin Nanay.

Mary Joyce Jopson is a freshman Bachelor in Elementary Education student in Araullo University-PHINMA and a staff writer of Viewpoint.

Tuesday, August 6, 2013

Piringang Mata


Piringang Mata
 Lhea Vergara

Paano masisilip ang ginintuang pag-asa
 Kung pilit kinukubli ang ating mga mata 
Pinipiringang wari sa maling adhika
 At nagpapakalunod sa linsil na nasa

Makakamit natin ang tugatog ng tagumpay
 Kung ang bulaos na tuwid ating isasabay
 Mga buktot na gawi'y ibaon na sa lupa
 At matutong tumindig sa mali at sala

Huwag nang maghintay sa putok ng hudyat
 Kailangan ang pagkilos na pag-asa ang buhat
 Kaya't itong kaisipan na nagiging pahat
 Huwag na huwag magpalukom sa buyo na kalat

Tayo nang simulan ating unang hakbang
 Isayad ang paa, hawanin ang hadlang
 Piring sa mga mata'y, atin nang watasan.
 At masdan ang pagbangon nitong ating bayan Ikaw

 Pilipino! OO ikaw na nga,
 Dapat kang magsilbi't bumangon ng kusa,
 'Pagkat pagbabagong nais ma'y hindi iba ang paggawa,
 Kundi ikaw mismo na nagbukas ng mata't pang-unawa.

Lhea Vergara is a freshman Bachelor in Secondary Education, major in English student in Araullo University-PHINMA and is a staff writer of Viewpoint.

Monday, August 5, 2013

Nakanting Damdamin




Nakanting Damdamin
Rommel Ortaleza

O kay hapdi nitong yaring damdamin
Na salat sa pagmamahal ng tao sa paligid
Kailan ba masasabing ito'y malaya na rin
Sa sakit na idinulot sa pakanti sa damdamin

Mahirap tanggapin kay sakit isipin
Na sa kabila nang pagsisikap ko'y
Itong aking damdamin
Sa kangkungan pupulutin

Hindi ka ba nag-iisip
Hindi ka na nahahabag
Malinaw sa iyong paningin
Pamamalimos nitong damdamin

Sana'y sa pagdaop ng iyong mata sa dilim
Ay maaninag ang isang puso na naghihingalo na rin
Matanto na sana ang pagkakamaling idinulot
At makalaya na sa sakit ang nakanting damdamin.

Rommel Ortaleza  is a semior Bachelor of Arts, major in English student in Araullo University-PHINMA and a staff writer of Viewpoint.
                                   

Sunday, August 4, 2013

“Pangako”



“Pangako”

Judiel D. Bautista

Mga boses na tila walang tunog,
Tinik na mistulang palamuti,
Damdaming ikinukubli sa mga umaagos na likido,
Katotohanang nagiging mali.

Himig mula sa mga baga ng nanagngangalit,
Anino na animo’y hindi mapapansin,
Sugat sa mga nangungupas na dahon,
Halumigmig ng gabi sa pagputok ng araw.

Minsan ma’y nalingat,
Sa anay na magtatangkang sumira,
Sa gusaling kongkreto’t walang anumang makasisira,
Matatag sa gitna ng karagatan.

Inukit na mga salita’y panghahawakan,
Pagitang bangi’y magiging lakas,
Bangungot sa puso’y gagawing inspirasyon,
Sa pagtahak ng daang madilim at sanga-sanga.

Itimo sa mapaglarong isipan,
Pagpatak ng oras at panaho’y hindi sasayangin,
Bituin ay aabutin,
Pakaiingatan hanggang sa dapit-hapon.

Judiel D. Bautista is a first year Bachelor of Science in Accountancy student of Araullo University – PHINMA . He was motivated to write this poem because of a promise to someone. This  is as a part of  Gawad Bagwis Poetry Campaign Series.

Saturday, August 3, 2013

Nasaan Ang Pagbabago?






Nasaan Ang Pagbabago?
Christina Sanchez
  
Mga karayom na animo’y walang tulis,
Hindi makapanusok, hindi magamit.
Sinulid na hindi maipasok-pasok,
Sa mga butas na napakalayo.

Nag-aalumingawngaw na lata,
Mga baryang hirap ipaubaya,
Sa mga karayom na namumutla,
Nagtitiis sa sakit, nagpupungay na mga mata.

Nasaan? Nasaan?
Mga pagbabagong inaasam?
Kahirapa’y lalong lumalawak,
Mamamayan ngayo’y  lalong nasasadlak.

Papet na tinagurian,
Mga taong mapag-imbot sa kayamanan,
Kayamanang para sa lahat,
Pagkakapantay-pantay na hinahanap.
   
Hanging umiihip sa madilim na gabi,
Katabi’y karton, latang humihingi,
Pagdurugo ng puso’y nadarama,
Pamumunong hindi naging kaaya-aya.

Christina Sanchez  is a  Bachelor in Secondary Education sophomore in Araullo University-PHINMA and is the Literary Editor of Viewpoint.  She was motivated to have a change in the social system of our country. She believes that the Philippine Social Realities will awake the heart and mind of  youth .This  is as a part of  Gawad Bagwis Poetry Campaign Series.


Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...